Saturday, July 25, 2009

Ikaw ay isang talang marikit
sa aking mga mata'y nagniningning
Sa kalangitan kong puro pasakit
nagsisilbi kang kapanalig

Ako'y nandirito sa piling mo
kahit na ito'y hindi mo batid
dahil ang liwanag mo ay puno
ng pagmamahal na walang patid

Subalit ngayon ay nasaan na?
Naglaho ka't hindi na makita
Ni hindi maramdaman... Tadhana?
Pilit mang intindihi'y wala na

Ngunit kahit hindi ka mahagkan
Mukha man ay akin nang malimot
Ala-ala mo ay tangan-tangan
Sa puso at isip ko'y babalot

Huwag mong isipin ako'y bigo
sapagkat ako'y umaasa
Na balang araw ika'y paririto
Pawang tayo'y muling magkikita